Insentibo sa mga guro, tiniyak ng DepEd ngayong National Teacher’s Month
Tiniyak ng Department of Education na makakakuha ng P1,000 ang mga guro sa pampublikong paaralan bilang insentibo sa pagdiriwang ng National Teacher’s Month mula September 5 hanggang October 5.
Inanunsiyo ni DepEd Spokesperson Michael Poa sa isang press conference na magpapatuloy ang pagbibigya ng incentive katulad noong nakaraang administrasyon.
Sinabi rin ni Poa na magkakaroon ng programa para sa mga guro sa National Teachers’ Day sa darating na October 5.
Pinuri naman ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang mga guro sa kanilang mga sakripisyo at pagsisikap na makapagbigay ng edukasyon sa mga kabataan, kahit na ito aniya ay mapa-in-person o online.
Nangako naman ang ahensiya na gagawin nila ang lahat para matugunan ang mga pangangailangan nito.