Tampok sa paggunita ng 44th National Disability Prevention and Rehabilitation Week ang mga programa ng iba’t ibang ahensiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija para sa mga PWD o Persons with Disability.
Ayon kay Provincial Persons with Disability Affairs Office o PDAO Head Ariel Sta. Ana, mahalaga na malaman ng mga may kapansanan ang karapatan at pribilehiyo na kanilang matatanggap sa mga national and local agencies pagdating sa pangkalusugan, pagkakaroon ng pagkakakitaan at edukasyon.
Tinalakay ni Philhealth Gapan Branch Head Angelito Creencia na patuloy ang gawain ng Philhealth Gapan at Cabanatuan sa lalawigan para maisakatuparan na magkaroon ng mandatory Philhealth coverage ang mga PWD na kinakapos sa pinansiyal.
Libreng training at livelihood starter kit naman ang ipamamahagi ng Department of Trade and Industry sa mga nagnanais na magsimula ng kanilang negosyo.
Habang paghahanap ng trabaho at pagbibigay ng kasanayan ang hatid ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Public Employment Service Office sa mga munisipyo at siyudad ng lalawigan.
Suportado rin ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ang nasabing aktibidad kung saan nagpamahagi ng food packs sa mga dumalo na PWDs. Bukod dito ay nagsagawa rin ng COVID-19 vaccination at medical mission ang Provincial Health Office sa pangunguna ni Dra. Josefina Garcia.
Para kay Marites Agunos mula sa bayan ng Rizal, mahalaga ang may ganitong okasyon dahil nalalaman nila ang mga benepisyong kanilang dapat makuha sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ipinagpasalamat din ni Crisanto Casino ng Gapan City ang patuloy na malasakit ng gobernador sa mga tulad niyang may kapansanan.
As of December 2021, mayroon ng 22,819 ang nakalista na PWDs sa kanilang tanggapan na karamihan sa mga ito ay nabigyan ng tulong ng kapitolyo tulad ng pamamahagi ng wheelchair, crutches, cane at prosthetic devices.