Kasabay ng paggising ng mga Cabanatuenong nag-eehersisyo sa Freedom Park ang siya namang hudyat ng merkato sa pamilihang bayan ng Cabanatuan. Araw-araw, ang mga bagong huling isda, sariwang prutas, gulay, karne at mga pangunahing binibili ng taumbayan ay isa-isang nag-uusbungan kasabay ng mga matatamis na ngiti ng mga nagtitinda.
Hindi rin pahuhuli ang mga bagong lutong pansit, mga lutong agahan at kakanin, barbecue sa Mayet’s at iba pang kilalalang tindahan, at mga serbisyong tulad gupitan, sastre at iba pa. Hindi maipagkakailang tunay na simbolo ng pag-unlad ng bayan at ng buhay na komersyo ng Cabanatuan ang dala ng pamilihang bayan nito, kaya’t alas cuatro pa lamang ay nagsisimula nang mamili ang mga Cabanatueno bilang pagsabay nito sa masayang ritmo ng araw-araw na buhay.