Bumaba ng 31.51% ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa tala ng Provincial Health Office, may 1,139 suspected dengue cases ang naitala mula noong January 1 hanggang June 24, 2022 na mas mababa kumpara sa 1,663 na kasong naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamaraming kaso ang nasa 11 hanggang 20- anyos na umabot sa 380 cases habang ang mga nasa edad na 10 taong gulang pababa ay nasa 317 cases.
Ayon kay Dra. Josie Garcia, hepe ng PHO, ang pagbaba ng kaso sa probinsiya ay dahil na rin sa mas mahaba ang panahon ng tag-init at bihira na rin ang umulan sa loob ng siyam na araw kaya walang dahilan upang maipon ang tubig na maaaring pangitlugan ng mga lamok.
Ang lungsod ng Cabanatuan ang nakapagtala ng pinakamataas na dengue cases na umabot ng 288, sumunod ang Palayan City na may 111 cases, Santa Rosa-86 cases, General Tinio–69 cases, Gapan City-65 cases, Jaen-45 cases, Cabiao-44 cases, San Isidro-41 cases, Sto. Domingo-38 cases at Talavera-37 cases.
Nabatid din na mayroong tatlong pasyente ang nasawi dahil sa sakit na mula sa lungsod ng Cabanatuan, Gapan at Gabaldon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Dra. Garcia ang publiko na sundin ang 4s strategy laban sa dengue.
Ang una ay Search and Destroy o suriin at sirain ang mga pinamumugaran ng lamok sa loob at labas ng bahay; pangalawa, Secure self-protection o sarili ay protektahan laban sa lamok; ikatlo, seek early consultation o sumangguni agad sa mga pagamutan o health centers kapag may sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, pananakit ng ulo at ika-apat, Say NO to indiscriminate fogging o suportahan ang fogging kapag may banta ng outbreak.
Pinaalalahanan din ni Dra. Garcia ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na ang mga nasa edad na dalawa hanggang sampung taon dahil sila aniya ang mas nanganganib na makagat ng lamok. – ulat ni Shane Tolentino