Sa open forum, pangunahing daing ng mga magsasaka ang mababang presyo ng palay ngayong panahon ng anihan.
Ipinaliwanag ni Mss. Allisse De Belen ng PhilRice Group, na ang dahilan nito ay ang pagpasok ng imported rice sa bansa.
Ngunit marami naman aniyang ginagawang paraan ang gobyerno upang mapigilan ang pagbulusok pa ng halaga ng lokal na palay.
Itinanong naman ni Jaije Dela Peña ng Ilocos Sur kung paano mabibigyan ng mga benepisyo at makinarya ang mga maliliit na magsasakang hindi miyembro ng organisasyon o kooperatiba?
Sagot ni Roween Parica, Science Research Specialist 2 ng PhilMech, kailangan talagang sumali sa kooperatiba ang isang magsasaka para mabigyan ng suporta ng galing sa mga ahensya ng pamahalaan.
Kinuwestyon naman ni Melchor Baldorado ng Tarlac kung bakit piling magsasaka lamang ang pinauutang ng gobyerno ng halagang Php15,000.00.
Ayon kay Jane Margarette Lazaro, representative ng Land Bank of the Philippines, na ang Sure Aid Program ay nakalaan sa mga magsasakang may isang ektarya lupain pababa habang ang RCEF o Rice Competitiveness Enhancement Fund ay para naman sa mga may malalaking lupain.

Sa pamamagitan ng folk media ay ibinahagi sa mga dumalo sa Lakbay Palay 2019 ang “Apat na Diskarte” upang makasabay sa inaangkat na bigas mula sa ibang mga bansa.
Paliwanag ni Lea Abaoag ng Technology Management and Research Division na kailangang gumamit ng mga mgasasaka ng dekalidad na binhi para maparami ang kanilang ani.
Makabagong makina sa pagsasaka naman ang tugon ng PhilMech, habang pautang sa mababang interes naman ang sagot ng Land Bank at training scholarship naman ang handog ng TESDA.
Sa pagtatapos ng unang araw ng Lakbay Palay ay namahagi ng mga binhi ang PhilRice sa ilang magsasaka. Ulat ni Myrrh Guevarra