Sa ikatlong Episode ng programang Usapang Malasakit sa Lipunan ng DWNE 900Kz Teleradyo noong Martes September 10, 2019 ay ibinalita ni Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali sa mga tagapakinig na makikipag-partner ang Nueva Ecija Provincial Food Council sa mga Rice Millers sa lalawigan sa pagbili ng sariwang palay mula sa mga magsasakang benepisyaryo.

Paliwanag nito, plano ng kapitolyo na magtayo ng sariling rice mill pero hanggang wala pa ito ay makikipagtulungan muna ang Food Council sa mga rice millers upang patuyuin, giikin at gilingin ang mga mabibiling palay.

Inihayag rin ni Governor Umali na magdadagdag ng mga kawani ang Council na huhugutin mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan dahil kailangan pa aniya ng manpower upang libutin ang buong lalawigan para maghanap at tulungan ang pinakamahihirap na mga magsasaka.

Ipinaliwanag rin ni Governor Umali na ang ang pagbili ng palay ay hindi para kumita ang kapitolyo kundi para makatulong sa mga magsasaka dahil hindi aniya dapat ipasa sa mga konsumer ang gastos sa pagbili ng palay dahil kung ipapapasan sa mga consumer ay tataas ang presyo ng bigas.

Ang Nueva Ecija Provincial Food Council ang kauna-unahang food council sa bansa na itinatag ni Governor Oyie Umali upang hindi mamatay ang industriya ng pagsasaka sa lalawigan na itinuturing na Rice Granary of Philippines.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.