Pinasinayaan ang kauna-unahang Provincial Gymnasium kahapon September 10, 2019 para sa mga mamamayan ng Brgy. Rio Chico, General Tinio.

Pinangunahan ni Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali ang blessing at inauguration ng covered court kasama sina Major Pablo Pagtalunan, Col. Matias Bernardo na siyang nagbigay ng lupang titirikan ng himnasyo na may sukat na 1,000 square  meters.

Sa aming panayam kay Mayor Isidro Pajarillaga, ang handog na gymnasium ay matagal ng hinihintay ng mga taga Rio Chico dahil ang mga programang pang barangay aniya na dapat isinasagawa sa mismong kanilang barangay ay idinadaos pa umano ng mga ito sa ibang lugar kaya naman malaking bagay aniya  ito sa kanyang nasasakupan dahil maari na itong gamitin sa anumang aktibidades katulad ng zumba para sa kababaihan at sports sa mga kabataan.

History namang maituturing ani Argie Dela Cruz, Sk Chairman ng mga kabataan sa Gen. Tinio ang pagkakaroon ng himnasyo sa kanilang lugar dahil ito pa lang aniya ang kauna-unahang gymnasium na naitayo sa kanilang barangay kaya masayang masaya  ang mamamayan ng Rio Chico partikular ang mga kabataan.

Pinaindak at inaliw naman ng Rio Chico Fitness Club sa kanilang intermission number ang mga espesyal na mga bisita.

Pagkatapos ng programa ay nagkaroon pa ng boodle fight para sa mga dumalo at nakiisa sa inagurasyon ng himnasyo.

Ito na ang ika-labing anim na ipinatayong gymnasium ng pamahalaang panlalawigan sa  bayan ng General Tinio.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran