Matinding dagok at kahirapan ang nararanasan ngayon ng mga magsasaka sa Nueva Ecija dahil sumadsad na sa P7 kada kilo ang presyo ng sariwang palay sa pamilihan.
Ayon kay Ignacio Ortiz Presidente ng Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitnang Luson (AMGL) Nueva Ecija, sa sitwasyon ngayon ng mga magsasaka ay hindi malayong bumagsak pa sa halagang P3 kada kilo ang bilihan ng palay dahil tag-ulan.
Sa ngayon ay nasa pitong piso kada kilo na lang ang bentahan ng palay na sariwa o basa habang ang tuyo naman ay nasa sampung piso kada kilo.
Malayong malayo umano ito kung ikukumpara sa dating P21 kada kilo noong 2018 na hindi pa naisasabatas ang Rice Tarrification Law.
Simula ng maisabatas ang taripa ay nalugi na ang mga magsasaka dahil pumalo na lamang sa P12 kada kilo ang presyo ng palay nitong nakaraang dry season.
Kaya ang ending, matapos ang pagyuko at ilang buwang paghihintay lumalabas na nasa halos walong libong piso pa ang kapos na kita ng mga magsasaka.
Samantalang hindi naman bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.
Paano pa kaya ngayon na lalong bumulusok ang presyo ng palay?
Naninindigan ang pangulo ng samahan na ang tanging nakikinabang lamang dito ay ang mga nag-akda at nagpasa ng batas.
Kamakailan lamang noong August 29, ay nakipagpulong ang AMGL sa mga senador at kongresista. Ngunit, imbes aniya na mapakinggan ang kanilang boses bilang mga magsasaka ay mga politikong opisyal lamang ang nagsalita. Kapag hindi aniya naitama ang Rice Tarrification Law ay tuluyan ng mamatay sa gutom at mawawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka sa bansa.

Sa ngayon, ang tanging kinakapitan ng mga maliliit na magsasaka ay ang programa ni Gov. Oyie Umali na Provincial Food Council. Ito ay nakatakdang magsimulang mamili ng palay nitong buwan ng Oktubre na posibleng umabot sa halagang P15 kada kilo. Layunin nito na maisalba ang naghihingalong pangunahing kabuhayan sa lalawigan.
Panalangin niya na magtuloy-tuloy ang pag-akay ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng malasakit sa mga magsasaka. –Ulat ni Danira Gabriel