Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na makapagloan ng credit line na 500 million pesos bilang dagdag na pondo sa pamimili ng palay ng kapitolyo sa mga maliliit na mga magsasaka sa Nueva Ecija sa ika-sampong regular session noong martes, September 3, 2019.
Ipinaliwanag ni Bernardo Valdez, Assistant Provincial Agriculturist, sa harap ni Vice Governor Anthony Umali at mga bokal ng apat na distrito ng probinsya na mula sa inisyal na pondong 200 million pesos ng Provincial Food Council ay aabot lamang sa mahigit dalawang libo’t anim na daang malilit na mga magsasaka ang mabibilhan ng palay ng pamahalaang panlalawigan.
Aniya, base sa hawak nilang masterlist o listahan ng mga maliliit na magsasaka na ginamit noong buwan ng Enero ng taong kasalukuyan sa pamamahagi ng libreng fertilizer at mga magsasakang kasalukuyang vinavalidate pa ay nasa inisyal na siyam napong mga magsasaka bawat bayan at lungsod ang mapapabilang sa unang batch ng pamimili ng palay ng kapitolyo.
Dagdag nito, mas marami ang makikinabang na mga magsasaka kung madaragdagan ang pondo ng limang daang milyong piso na uutangin sa Development Bank of the Philippines.
Nauna nang siniguro ni Governor Umali sa pilot episode ng kanyang programang Usapang Malasakit sa Lipunan sa DWNE 900am station na ang bilang ng mga magsasakang matutulungan ng pamimili ng palay ng provincial government ay papalaki at hindi papaliit.
Ang pagpapautang ng DBP sa pamahalaang panlalawigan ay tugon sa panawagan ni Department of Agriculture Secretary William Dar na tulungan ang kapitolyo sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasakang malubhang naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Nilinaw din ni Valdez na sa proseso ng pagbili ng palay ng provincial government, mismong ang mga kinatawan ng Provincial food Council ang bababa sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan upang bilhin ang bagong ani ng mga mavavalidate na magsasaka.
Kasunod nito ay inaprubahan na din ng SP ang pondong nagkakahalaga ng 10, 218, 000 pesos mula sa hindi nagamit na pondo ng 2016 development fund upang gamitin sa pagbili ng dalawang unit ng 16 tuner truck na nagkakahalaga ng 4, 318, 000 pesos at dalawang unit ng 10 tuner truck na nagkakahalaga ng 5, 900, 000 pesos.
Ang mga truck na ito ay gagamitin sa paghahakot ng mga bibilhing palay ng pamahalaang panlalaqwigan sa dalawamput pitong bayan at limang lungsod sa probinsya.—Ulat ni Jovelyn Astrero