Patay ang isang 52-anyos na tulak umano ng droga matapos na manlaban sa mga pulis sa isinagawang Anti-illegal Drugs Operation sa Purok dos, barangay San Juan Accfa Cabanatuan City.
Kinilala ang suspek na si Efren Roman y Nicolas, residente ng barangay Sta. Arcadia, at kasama sa listahan ng mga drug personalities sa nasabing lungsod.

Base sa report ng Cabanatuan Police Station, 11:00 ng gabi noong August 15, 2019, nakatunog ang suspek na na nagpanggap lang ang bumibili sa kanya ng droga kaya binunot nito ang baril at pinaputukan ang mga operatiba ngunit nagmintis.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan si Roman na naging sanhi ng agad nitong kamatayan.
Narekober ng SOCO sa crime scene ang isang homemade caliber .38 pistol, isang five hundred peso bill na nagsilbing marked money, limang basyo ng bala ng caliber .9mm, isang basyo ng bala ng caliber .38 at sampong transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Samantala, tumba ang tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa isinagawang buy-bust operation sa barangay Bibiclat, Aliaga 10:20 ng gabi noong August 16, 2019.
Nanlaban umano sa mga pulis ang suspek na si Avelino Doronio y Magno, residente ng barangay La Purisima ng naturang bayan, habang ang dalawa nitong kasabwat na mga hindi pa nakikilala ay nakatakas sakay ng isang kulay black na Toyota Innova.

Napag-alaman sa record ng kapulisan na miyembro ng isang gun for hire group si Doronio at itinuturong salarin sa pamamaril sa kapitan ng San Pascual, Sto. Domingo noong nakaraang taon.
Nakuha ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang Calibre .45 pistol, dalawang basyo ng bala nito, anim na basyo ng bala caliber .9mm, isang five hundred peso bill na marked money, at isang plastic sachet na may laman ng hinihinalang shabu.- ulat ni Clariza de Guzman.