Inilunsad ng Pamahalang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kauna-unahang Farm Tourism Product Development Seminar na dinaluhan ng mga tourism officers ng Local Government Units,  farm operators at owners. Ayon sa Provincial Tourism Division layon nito na gawing isang tourist spot ang mga bukirin sa lalawigan.

Sa pagtutulungan ng Governors Office –Tourism Services, Malasakit Novo Ecijano Program at Department of Tourism ay nabigyan ng pagkakataon ang mahigit 40  farm operators,  owners at  mga local tourism officers ng mga bayan at lungsod na madevelop ang kanilang mga bukirin bilang isang farm tourism destination.

Ito ay alinsunod sa  Republic Act No. 10816 ang Farm Tourism Development Act of 2016 o  ang pagtulong sa pagpapalago at pagpapakilala ng turismo sa mga kabukiran sa Pilipinas.

Sa  loob ng dalawang araw ay itinuro  ang marketing and branding, mga aktibidad na maaaring gawin ng mga turista at farm preparation.

Pinag usapan  sa unang araw ng seminar  ang kahalagahan ng farm tourism sa mga magsasaka, komunidad at tour operators.
Ipinakita ni   Keneth de Gracia ang isang kainan sa Thailand na itinayo sa  ibabaw ng mga tanim na palay na babagay aniya sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Paliwanag ni Attorney Jose Marie San Pedro bilang Rice Granary ng bansa malaki ang potensyal  ng lalawigan ng Nueva Ecija upang makilala bilang isang Agricultural Tourist Destination.

Limitless ang potensyal, ganyang isinalarawan ni Atty. San Pedro ang posibilidad ng lalawigan pagdating sa turismo. ang farm tourism ay maaaring maging negosyo at ang  target tourist ay ang mga taong hindi nakakaranas na magtanim at masubukan ang buhay sa bukid.

Naniniwala si Atty. San Pedro na malaki ang tulong ng farm tourism hindi lamang sa pagpapakilala sa lalawigan ng Nueva Ecija bilang tourist destination kundi upang makatulong rin sa mga magsasaka at may-ari ng bukid na umunlad ang pamumuhay sa kabila ng kanilang mga suliranin hatid ng mababang bentahan ng palay. – Ulat ni Amber Salazar