Sa tulong ng Department of Tourism ng LGU Guimba sa pangunguna ni Tourism Officer Rhea Leyva Santos ay nabuo ang Sulong Guimba Pasalubong Makers na naglalayong mapagsama-sama ang mga produktong Guimbanian at sabay-sabay na maipakilala hindi lamang sa lalawigan at buong PIlipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa aming panayam kay Ma. Divina Dela Cruz, Vice Chairman ng SGPM, mula sa nabuong samahan ng mga Pasalubong Makers sa kanilang bayan ay mas napaghusay pa ang kanilang mga produkto sa tulong at pag-agapay sa kanila ng Department of Trade and Industry (DTI).

Aniya, unti-unti nang sumisikat ngayon ang kanilang produktong chocoa na isang palaman na gawa sa Cacao na inaani lamang sa bakuran ng manufacturer nito, kabilang din sa masasabi umano nitong tatak Guimba ay ang J and J Mushroom, Mushroom Chips, Eling’s Chicharon at mga produktong gawa sa Soya Beans tulad ng Chili Garlic, Alamang o Bagoong, Kape at iba pa.

Ibinida din niya sa amin na noong taong 2017 ay naitanghal bilang Most Innovative Product ang kanilang Chili Garlic sa ginanap na One Town One Product sa Central Luzon State University.

Isa din sa dinarayo at talagang inilalaban aniya nila sa ibang mga bayan sa probinsya ay ang iba’t ibang kakanin tulad ng kalamay roll, bibingkang kanin at iba pa. Kakaiba din aniya ang kanilang sukang Pinakurat dahil hinaluan nila ito ng luyang dilaw.

Maliban sa mga pagkain ay matatagpuan din dito ang mga produkto tulad ng mga organikong Insect Repellant at Hair Grower.

Ipinagmalaki din nito ang mga produktong gawa ng mga PWD o Persons with Disability tulad ng mga flower vases na gawa sa mga recycled materials na plastic bottles, na malaking kabawasan sa mga basura na bumabara sa mga kanal at nakapagbibigay pa ng hanapbuhay sa kanila.

Ang mga PWD din aniya ang may gawa ng mga souvenirs na Tshirts na may tatak na I love Guimba, Ragragsak Ti Guimba, Guimba Kong Mahal at iba pa.

Tulad ng kanyang produkto ay tila umano kabute ang pag-usbong ng negosyo ni Jassie Garcia na J and J Mushroom, na nung mapabilang sa SGPM ay mas nakilala ng mga tao at mas tumaas ang demand.

Iba’t-ibang kakanin pangmeryenda at mani o Feli Peanut na isinunod sa kanyang pangalan ang negosyong napalago ni Felipina Trojillo na nakahanap ng katuwang sa pagpapakilala ng kanyang mga produkto sa pamamagitan ng SGPM.

Samantala, ang pwesto ng Tourist Information and Pasalubong Center na matatagpuan sa Corner Afan Salvador and Faigal St. Brgy. Saranay ay ipinagkaloob ng libre ng Lokal na Pamahalaan ng Guimba para sa mga Pasalubong Makers.— Ulat ni Jovelyn Astrero