Sumabak kaagad sa trabaho si Governor Aurelio Umali sa unang araw pa lamang nito sa pamahalaang panlalawigan.
Sa mensahe ni Governor Oyie Umali pagkatapos ng flag raising ceremony noong Lunes July 1, 2019 sa New Capitol Palayan City, inihayag nito ang mga agenda sa kanyang ikaapat na termino at umapela ng pakikipagtulungan ng Sangguniang Panlalawigan upang maisakatuparan ang mga ito.
Pangunahin sa prayoridad ng ama ng lalawigan ang paglalaan ng alternatibong pagkakakitaan at pangkabuhayan ng mamamayan lalo na para sa mga nasa sektor ng agrikultura.

Paliwanag ni Governor Umali, nauunawaan nya ang hirap ng buhay dahil maging ang mga empleyado ng kapitolyo na may pinaka mataas na sweldo sa lalawigan ay madalas na nangungutang kaya batid nya na ito rin ang sentimyento ng mga kapwa Novo Ecijano na nabubuhay sa pagsasaka.
Inihayag din ng gobernador ang mga pagbabago sa pamamahala sa kapitolyo kabilang ang pagpapalit sa mga namumuno sa mga departamento.
Ilan sa mga bagong itinalagang Officer-in-Charge sina Atty. Olive Joy Cornejo sa Provincial Assessor’s Office; Mr. Johann Ocampo sa Provincial Sports and Youth Development Services; at Mr. Adelino Justo sa Environment and Natural Resources Office. – ulat ni Clariza de Guzman