Sinerbisyuhan ng Bongabon Veterinary ang humigit kumulang dalawang libong mamamayan ng Bongabon na may mga alagang hayop sa ilalim ng kanilang programang Animal Health Care Services 2019.

Ayon kay Malvin Miranda, Veterinary Staff ng Office of The Municipal Veterinarian, kabilang sa serbisyong kanilang iniaabot sa mga mamayan ng Bongabon ay ang pagbibigay ng bitamina, pagpurga, pagbibigay ng similya at pagsuri kung may mga karamdaman ang mga alagang hayop.

Nasa humigit kumulang apat na libo naman aniya  ang kanilang naitala na nabakunahan ng anti-rabies, isang libo naman sa pagsisimilya at pagbibigay bitamina para sa malalaking alagang hayop katulad ng kalabaw, baka, at kambing.

Nagsasagawa naman aniya sila ng mga trainings and seminars para sa mga mamamayan na gustong matutunan ang tamang pag –aalaga ng mga hayop katulad ng kambing, baboy, baka at manok.

Dagdag pa nito, layunin nilang makatulong,  maibaba ang serbisyo para sa mga mamayan ng Bongabon katulad ng pagbibigay ng free range chicken at meat processing.

Ipinagmalaki din nito na mayroon ng Dairy products ang Bongabon tulad ng pastillas,  processed and choco milk na pangalawang pangkabuhayan ng mga residente ng Bongabon.

Nagpasalamat naman si Nanay Guillerma Vanicud mula sa Brgy. Rizal dahil sa programa ng Bongabon Vet ay natutulungan sila upang mapangalagaan ang kanilang mga alagang hayop partikular kapag may mga karamdaman ang mga ito.

Laking ginhawa aniya para sa  kanilang mga mahihirap dahil libre ang mga serbisyo para sa kanilang mga alagang hayop na pangunahin nilang pinagkakakitaan.

Nagsimula ang Animal Health Care Services sa Bayan ng Bongabon nitong Hunyo taong kasalukuyan sa mga Barangay ng Ariendo, Lusok, Larcon, Tugatog at Bantug.

Sa September naman magkakaroon ng susunod na ekstensyon services sa tatlong barangay sa bayan ng Bongabon na kinabibilangan ng Calaanan, Digmala, Ariendo para sa Anti-Rabbies Vaccine.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.

https://youtu.be/vPUcuEoIBN0