Inilunsad ng mga motorcycle riders ang Unity Ride sa Nueva Ecija laban sa isinusulong na malaki at dobleng plaka para sa mga motorsiklo.

Nagtipon-tipon ang mga motorcycle riders sa New Capitol ng Nueva Ecija nitong linggo March 24, 2019  upang iprotesta ang probisyon ng Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na nagu-utos na lagyan ng mas malalaking plaka ang mga motorsiklo.

Sa ilalim ng batas, gagawing doble ang plaka na ilalagay sa unahan at likurang bahagi ng mga motorsiko.

Pahayag ng Chairman ng Motorcycle Riders Federation ng Nueva Ecija na si Roel Balacunag, nagkakaisa ang lahat ng motorcycle riders upang tuligsahin ang doble plaka na ipinasa ni Senator Dick Gordon.

Ayon naman sa Arangkada Alliance Motorcycle Riders ng Nueva Ecija  na si Aileen Nimencio, kontra umano siya sa doble plaka dahil magiging sanhi  ito ng aksidente at hindi sila kriminal.

Umikot ang grupo mula sa kapitolyo patungong Bongabon at Rizal.

Ilan sa mga nakiisa sa protesta ay ang mga riders mula sa Ilocos Norte Motorcycle Riders Club, NMAX Club of Nueva Ecija, North Central Riders Organization, Madeup Riders Club ng Dingalan Aurora, CRC Quezon, GMRC Guimba Motorcycle Club, MADCAT Alliance, WildHogs Riders Club, Riders Owner Group of the Philippines at Kamote Riders ng Nueva Ecija.

Panawagan ng mga riders sa mga nagsusulong ng ‘’Doble Plaka” lalong higit kay President Rodrigo Duterte na huwag ipatupad ang batas. -Ulat ni JOICE VIGILIA/DANIRA GABRIEL