Itinuro ng Philrice o Philippine Rice Research Institute ng Science City of Muñoz katuwang ang New Hope Corporation ang paggamit ng makabagong Teknolohiya para sa pagsasaka na ginanap sa Future Rice Farm ng Philrice noong Huwebes, February 21, 2019.
Mas mabilis at magaang trabaho ang hatid ng makabagong teknolohiya para sa mga magsasaka, malaking tulong ito upang maiwasan ang mababang ani at maging produktibo ang bawat pananim dito sa ating bansa.
May tatlong drone na ipinakita ang New Hope Corporation una ang DJI Agras MG-1S Sprayer na nagkakahalaga ng walong daang libong piso na kayang i-spray ang sampung litro ng likidong pataba o pamatay insekto sa loob lang dalawampung minuto.
Ikalawa ang DJI Agras MG-1S Spreader na nagkakahalaga ng isang daang libong piso at ginagamitan ng Dronedeploy App upang kontrolin, kaya nitong madetek ang mga bukid na may bagong tanim, nakatanim na at yung pwede ng anihin.
Gayundin kaya din nitong matukoy kung kulang sa pataba o patubig ang pananim at kung apektado na ang palay ng insekto.
At ikatlo ang New Hope Zeke quadcopter with five band multispectral camera na kayang madetek ang sakit ng palay upang agad itong mapag-aralan at masolusyunan.
Ayon kay Ver Garcia, isang magsasaka na taga Sto. Domingo, Nueva Ecija, simula nang makabili siya ng naturang drone mabilis na natatapos ang pag-ispray nila sa ekta-ektaryang bukirin na kaniyang ginagawa.
Paglilinaw ni Anthony Tan Chief Executive Officer ng New Hope Corporation, dapat maging bukas ang kaiisipan ng mga magsasaka tungkol sa mga makabagong teknolohiya upang makasabay tayo sa pag-unlad ng ibang bansa.