Sinariwa ng mga naging kasamahan sa pamamahayag ng namayapang si Mar “Mr. Informer” Tecson ang kanyang mga naiwang alaala sa ginanap na eulogy sa st. Peter Chapels sa Cabanatuan City noong January 15, 2019.

Hindi akalain ni Nonoy Gobrin, Program Director ng DWNE  na mauuwi sa pamamaalam ang huling sandali ng pagsasama nila ng kanyang katrabaho na si Mar Tecson.

Kwento nito, dahil hindi siya nakaattend ng Christmas party ng DWNE ay niyaya siya ni Mar noong gabi ng January 3, 2019 upang magdiwang ng bagong taon na nauwi sa pagkaaksidente ng minamanehong kotse ng huli sa Salupungan ng Palayan at Bongabon.

Pigil naman ang pag-iyak ni Ehlla Lucas na naging  Personal Assistant ni Tecson sa loob  ng apat na taon habang ibinabahagi ang ginawang pagligtas ni  Tecson sa anak  nitong si Maui na kasama at katabi nito sa sasakyan nang maganap ang aksidente.

Nakita umano ni Maui na kinabig ni Mar ang manibela ng kotse para ito ang tumama sa nabanggang pick up.

Hindi rin makapaniwala si Edna Fabros, kumare at P.A rin  ni Tecson, na huling pagkikita na pala nila sa himpilan ng radyo noong January 3.

Bagaman napaka sakit ay buong tapang namang ibinulalas ni Ofelia ang kanyang walang hanggang pag-ibig  para sa kanyang kabiyak na si Mar..

Nagpaabot din ng pasasalamat si Ofelia kina Governor Czarina Cherry Domingo-Umali at Atty. Oyie Matias Umali dahil sa mga itinulong nito sa kanyang asawa.

Si Mario “Mar” Tecson  ay ipinanganak sa Mayapyap Cabanatuan City noong   February 2, 1960. Naglingkod ng labing dalawang taon sa DWNE 900khz Provincial Radio Station, bilang komentarista at tinaguriang Mr. Informer.

Sumakabilang buhay noong January 13, 2019. Sa edad na limampu’t walo sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center Hospital.

Kahapon January 16, 2019  inihatid  na sa huling hantungan ang mga labi ni Mar  Tecson sa Talavera Memorial Cemetery  ganap na alas dos ng hapon.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.