Personal na inihatid ng Ina ng Lalawigan Governor Czarina Domingo Umali sa mga residente ng General Natividad ang maagang pamaskong hangdog ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang Gift Giving Program noong Biyernes, December 7, 2018.

Mula pagsikat hanggang paglubog ng araw ay walang tigil ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamahagi ng munting regalo sa bayan ng General Natividad na labis na ikinatuwa ng mga residente doon.

Sa kabuuan ay umabot sa 14,500 gift packs ang naipamahagi sa 19 barangay kabilang ang Mataas na Kahoy na nabigyan ng 1,650 packs, 900 packs sa Balangkare Norte at Sur, 1,050 packs sa Piñahan, 1,180 packs sa Poblacion, 1,970  packs sa Talabutab Norte at Sur habang 900 packs naman ang para sa Barangay Sapang Bato.

2,250 packs ang naipamigay sa mga Barangay Sampaloc, Belen at Platero, 1,405 packs sa Barangay Kabulihan, Pula at Manarog, 1,285 sa Barangay Bravo, Panacsac at Picaleon habang 1,910 packs naman ang ibinahagi sa Barangay Pulong Singkamas at Balaring.

Mismong ang Ina ng Lalawigan ang umikot maghapon at namahagi ng mga regalo sa mga residente ng General Nativdad katuwang sina Doc Anthony Umali, Board Member Macoy Matias at Manong DM Morales.

Layunin ng Gift Giving Program ng Pamahalaang Panlalawigan na mapuntahan ang bawat barangay dito sa probinsya, mabigyan ng munting regalo at maipadama sa mga Novo Ecijano ang malasakit lalo ngayong nalalapit na kapaskuhan.

Sa mensahe naman ni Governor Cherry, pinaalalahan nito ang mga taga-General Natividad na sana ay maging mapanuri at timbangin kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.

Itinanggi naman ni Doc Anthony Umali ang isyu na ibinabato sa kanya na hindi na umano siya maaaaring kumandidato at nilinaw na isang fake news lang ito.

Limang taon nang lumilibot at bumababa sa mga barangay ng 27 munisipalidad at limang siyudad ng Nueva Ecija ang Pamahalaang Panlalawigan na sinimulan pa noong November 2013 sa pangunguna ni Former Governor Oyie Umali at patuloy na isinasakatuparan ng kanyang maybahay at kasalukuyang gobernador ng lalawigan, Governor Cherry Umali. –Ulat ni Jessa Dizon