Itinuro ng Department of Education (DEPED) sa mga piling principal ng lalawigan ng Nueva Ecija ang mga pamamaraan upang mas lalo pang mapalawak ang “Adopt-a-School” program ng ahensiya sa isinagawang “Orientation on Partnership Building for School Administrators” seminar na ginanap sa Cabanatuan City.
Ang Adopt-a-School Program (ASP) ay humihimok sa pribadong sektor na maging katuwang sa pagpapaayos at gawing makabago ang mga pampublikong eskwelahan sa bansa. Ang tulong ay maaaring pagpapatayo ng mga gusali, pag-donate ng lupa, mga libro, computer, science laboratories, health and nutrition packages at learning devices sa mga estudyanteng may ispesyal na pangangailangan.
Taong 1998, sa ilalim ng Republic Act 8525, itinatag ang naturang programa.
Ayon kay Zeny Lastimoza Project Dev’t Officer ng DEPED-Central Office, malaking bagay ang naitutulong ng mga pribadong sektor sa pagbuo ng maayos at komportableng eskwelahan para sa mga mag-aaral.
Kaya bilang sukli sa mga pribadong kumpanya ay binibigyan nila ito ng insentibo sa pamamagitan ng buwis.
Ngayong taong 2018, isang daan at dalawampu’t siyam na ang kasalukuyang aprubadong panukalang proyekto sa buong bansa.
Ayon kay Jet Lee Ocampo Education Program Specialist ng Schools Division Office ng DEPED Nueva Ecija, nasa P79-86 Million na ang halaga ng mga natanggap na donasyon ng ahensiya mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon. –Ulat ni Danira Gabriel