Nananawagan sa kinauukulan ang mga magulang at ka-miyembro sa Kabataan Party List na palayain na sina Guiller Cadano at Gerald Salonga na kasalukuyang nasa kamay ng mga otoridad.
Itinanggi ng pamilya ng dalawa at Kabataan Party List na may koneksyon sa CNN o Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front sina Cadano at Salonga na naging dahilan kung bakit sila hinuli ng pinagsanib-pwersa ng mga miyembro ng Philippine Army 3rd Infantry Brigade, Criminal Investigation and Detection Group at Provincial Public Safety Company at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.
Nagsasagawa lamang umano ng research ang dalawa na kapwa estudyante ng University of the Philippines Diliman Extension Program sa Pampanga kaugnay sa Dalton East Alignment Road Project na kauna-unahang kalsada sa bansa na gagamit ng mountain tunnel na dadaan sa bayan ng Carranglan kung saan aabot sa mahigi’t kumulang tatlong daang pamilya ang mapapaalis sa 243 hectares na lupain ng mga katutubo kabilang ang mga nasa barangay R.A Padilla kung saan dinakip sina Cadano at Salonga.
Umaasa ang mga kaanak at kaibigan nina Cadano at Salonga na lalabas ang katotohanan at mapapa-walang sala ang dalawa upang tuluyang makalaya.- Ulat ni Clariza De Guzman