Patuloy na isinasaayos ang dike sa brgy. Labi sa bayan ng Bongabon gamit ang mga heavy equipment ng Pamahalaang Panlalawigan upang maitama ang daloy ng tubig at mapaghandaan na rin ang posibleng malalakas na agos ng tubig sa ilog dulot ng mga paparating na bagyo.
Matatandaan na dahil sa tuloy-tuloy na malakas na buhos ng ulan noong nakaraang sabado at linggo, July 21-22, ay tumaas ang tubig at nasira ang Dike na nagsisilbi ring daanan ng mga residente ng naturang barangay.
Kaya’t minabuti ng kapitan ng Brgy Labi na humingi ng tulong kay Gov. Czarina “Cherry” Umali na agaran namang tinugunan ng Ina ng Lalawigan.
Agad na nagpadala ng walong heavy equipment at mga tauhan ang Gobernadora upang masolusyunan ang pangangailangan ng mga residente doon.
Ayon kay Eduardo Orea Foreman ng Provincial Engineering Office, matapos ang halos tatlong oras nilang paggawa ng daan, alas kwatro ng hapon noong lunes, July 23, ay naibalik na sa ayos at muli ng nakatawid ang mga residente at sasakyan sa tulay.
Bukod pa rito, ay patuloy nilang ginagawa ang magkabilang gilid ng dike upang sa gitna dumaloy ang tubig at hindi matibag ang konkretong bahagi ng tulay.
Nagpapasalamat naman ang isang residente ng barangay na si Dionisio Ramos sa mabilisang aksyon ng kapitolyo dahil kapag sira ang tulay ay apektado ang kaniyang hanap-buhay.
Inaasahan na sa araw ng huwebes o biyernes ay tuluyan ng matatapos ang dike. –Ulat ni Danira Gabriel