Buo pa rin ang kumpiyansa ng simbahang katoliko na mareresolba ng PNP o Philippine National Police ang kaso sa pamamaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo.
Ito ay sa kabila ng pagpapawalang-sala sa itinuring na prime suspect na si adel roll Milan nitong nakaraang Biyernes, June 29, matapos iutos ng Regional Trial Court Branch 27, Cabanatuan City na iurong ang reklamo laban dito.
Sa eksklusibong panayam ng TV48 kay Fr. Noel Jetts Jetajobe ng Diocese of Ccabanatuan, sinabi nito na lubos pa rin silang umaasa at nagtitiwala sa mga hakbang ng PNP.

Lubos pa ring umaasa at nagtitiwala ang simbahang katoliko sa PNP o Philippine National Police na tuluyang mareresolba ang kaso sa pamamaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo, ayon kay Fr. Noel Jetajobe ng Diocese of Cabanatuan.
Ikinatutuwa rin aniya ng simbahan ang pagpapalaya sa mga inosenteng tao gaya ni Milan na napatunayang walang kinalaman sa krimen.
Samantala, noong Biyernes ay personal din na nakapanayam ng aming news team si Milan na noon ay hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari.

Si Adel Roll Milan nang makauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Malapit, San Isidro matapos mapawalang-sala noong Biyernes, June 29, 2018.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang kanyang lola na si Emelita Matias sa lahat ng mga tumulong at sumuporta upang tuluyang mapalaya ang kanyang apo.
Sa kasalukuyan ay hawak na ng pnp ang itinuturing na mastermind sa pagpatay kay Fr. Nilo, na si Manuel Torres.
Sa isang press briefing, sinabi ng PNP na umamin ang gunman na si Omar Mallari na inutusan siya ni Torres na patayin ang pari sa halagang P100,000.00, ngunit P80, 000.00 lamang daw ang naibigay nito sa kanya.
Itinanggi naman ni Torres na kilala niya si Mallari.
Ayon naman sa Central Luzon Police Office, ang pagsuporta umano ni Father Richmond sa rape case laban sa pamangkin ng mastermind na si Christopher Torres ang itinuturing na motibo sa pagpaslang. – ULAT NI JANINE REYES.