Nasungkit ng isang Batang Palayano ang Medalyang Pilak sa larong Arnis, sa   ginanap na Palarong Pambansa 2018 sa Vigan, Ilocos Sur nitong nakaraang linggo.

Labing walong rehiyon ang kalahok sa palaro. Sa unang laban nito  sa Full Contact Event ay  nakatunggali nya ang Region 6 (Western Visayas) kung saan sya ay nakasuot ng red armour. Sa pangalawang laban niya ay ang Region 3 mula sa Davao suot ang blue armour, sa pangatlong laban  naman nito ay Region 5 mula sa Bicol, at sa Championship kung saan dito na nya nakamit ang Medalyang Pilak.

At sa arnis live stick demo sport naman, unang salang nya ay nakatunggali naman nito ang Region 7 suot ang blue armour, Region 12 (SOCCSKSARGEN) o South Central Mindanao, suot ang red armour sa pangalawang laro at sa Championship Region 1 suot ang blue armour dito ulit sya nakasungkit ng medalya.

Sa aming ekslusibong panayam kay  Florentino Junio II, labing anim na taong gulang at  tubong Palayan, tila lumulutang ang kanyang pakiramdam sa hindi inaasahang  karangalang nakamit  sa nagdaang Palaro.

Ibinahagi din sa amin ni Tino, ang naging magandang karanasan sa kabila ng pressure na naramdaman para may mapatunayan at may maiuwing karangalan sa lalawigan.

Inamin din sa amin ni Tino, na hindi siya naging kontento sa naging resulta dahil hindi aniya naabot ang kanilang layunin ngunit sa kabilang banda ay mas naging pursigido sya bilang arnisador na pagbubutihan para sa susunod na laban.

Ibinahagi pa ni Tino na ang pamilya ang kanyang inspirasyon sa likod ng kanyang Tagumpay.

Malaki naman ang nagiging papel ng isang Coach na siyang humuhubog at nagsisilbing life coach sa pagkatao ng bawat mga manlalaro.

Ikinuwento naman ni Coach  Melvin Palos ang karanasan ng kanyang manlalaro sa nagdaang Palarong Pambansa 2018.

Ang arnis ay isang sistema ng katutubong sining marsyal na nagmula sa Pilipinas. Kilala din sa pangalang Eskrima/Kali.

Ang makabagong arnis (modernong arnis) ay isa sa mga pinakapopular na sining panlaban ng Pilipinas.

Matatandaang ideneklara ang arnis bilang national martial art at isport. Ito ay nakapaloob sa Republic Act 9850, na pinirmahan ni dating  Pangulong Gloria Arroyo noong Disyembre 11, 2009.

sa ilalim ng batas, isinama ang arnis bilang mandatory course o subject sa mga paaralan. bilang parte ng kurikulum na Edukasyong Pampalakasan.

Ang Department of Education, National Commission for Culture and the Arts, at Philippine Sports Commission (PSC), ang inatasan sa ilalim ng batas para bumuo at ipatupad ang rules and regulations ng RA 9850.

Samantala, sa  mga gustong sumali at matuto sa larong Arnis ay maari lamang hanapin ang grupong El Cabisera Palayan City  Modern Arnis Club sa Palayan City National High School. –Ulat ni Getz Rufo Alvaran