Matagal na umanong suliranin sa lungsod ng Gapan ang baku-bako at maputik na kalsada na nagdudulot ng malaking perwisyo sa mga motorista at mananakay, ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa ring nagiging solusyon.
Dahil dito, nakipag-ugnayan si Mayor Emerson “Emeng” Pascual sa TV48 upang idulog ang kawalan ng aksyon sa naturang suliranin.

Personal na ipinakita ni Mayor Emerson Pascual sa Balitang Unang Sigaw ang kalagayan ng trapiko at ng malubak na kalsada sa Bucana ng Gapan City.
Sa eksklusibong panayam sa punong lungsod, sinabi nito na kung dati’y tuwing araw lamang ng kapistahan nangyayari sa kanilang lugar ang ilang kilometrong trapiko, ngayon ay ganito na ang kanilang kalagayan sa araw-araw.
Isinisisi nito ang naturang bangungot ng kanilang lungsod sa mga baku-bakong kalsada na ‘tila kinalimutan na.

Nagmistulang sungka na ang parte ng Maharlika Road sa Bucana ng Gapan City dahil sa baku-bako at maputik na kalsada at baradong drainage rito.
Ayon naman sa ilang residente roon, itinuturo nilang dahilan ng pagkasira ng kalsada ang baradong drainage na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naisasaayos.
Gustuhin man umano ni Mayor na ipagawa ang parteng ito ng Maharlika Road tulad ng pagpapagawa nito sa ilang bahagi ng kalsada ng nasasakupang lungsod ay hindi nila ito maaaring galawin sapagkat hindi ang LGU o local government unit ng Gapan City ang dapat na magpaayos nito, kundi ang DPWH.
Ilang beses na rin aniya siyang dumulog at sumulat sa DPWH kaugnay ng nasabing problema at itinuro ng ahensya ang E.C. De Luna Construction Corporation bilang responsable sa pagmementina ng nasabing kalsada.
Nakipag-ugnayan aniya siya sa korporasyon may tatlong linggo nang nakararaan at nangakong sesementuhin na ang naturang daan.
Nang muli itong tawagan ng punong lungsod noong April 4 sa harap ng aming news team, ay wala pa rin silang tiyak na petsang naibigay bunsod umano ng ilang teknikal na suliranin.
Samantala, kinuha din namin ang panig ng DPWH 2nd Nueva Ecija Engineering District sa ilalim ng pamumuno ni District Engineer Ricardo Puno.
Nagawa naming maka-usap ang Chief ng Maintenance Section na si Engineer Celso Castillo sa pamamagitan ng phone call at kinumpirmang ang pagpapaayos ng Maharlika Road ay nasa ilalim ng DPWH Central Office sa proyektong LTPBM o Long Term Performance-Based Maintenance na taong 2015 pa sinimulan at nakakontrata sa E.C. De Luna Construction Corporation.
Sa ilalim ng LTPBM aabot ng limang taon ang kontrata ng contractor sa pagmementina ng naturang kalsada.
Ayon pa kay Engr. Castillo, nag-utos na si Engr. Puno na magpadala ng tao sa Gapan City at kasalukuyan nitong sinusukat ang naturang kalsada nang kami ay tumawag. Makikipag-ugnayan din aniya sila sa E.C. De Luna upang maresolba na ang suliraning ito. –Ulat ni Irish Pangilinan