Umabot sa isang libo isang daan at limampung preso at empleyado ng Nueva Ecija Provincial Jail ang sumalang sa apat na araw na Mass Tubercolosis (TB) screening ng Department Of Health Region 3 katuwang ang Provincial Health Office(PHO) noong March 20-23, 2018.
Ayon kay PHO TB Coordinator Ronald Pineda, isa ang piitan sa prayoridad nila na unahing magamot dahil siksikan ang mga inmate sa selda kung kaya’t isa lang ang magkaroon ay siguradong mabilis na makapanghahawa sa iba.
Ang bawat isa ay dumaan sa interview, x-ray at ang bagong estratehiya sa pag-eksamin ng sputum na tinatawag na gene xpert na kung saan dinala ang specimen sa PJG hospital.
Kung positibo, panibagong interview at orientation ang isasagawa para sa anim hanggang dalawampu’t apat na buwanang gamutan na libreng sasagutin ng doh.
Sa pahayag ni Jail Warden Jojo De Leon, sa kasalukuyan ay mayroon nang dalawang inmate na sumasailalim sa gamutan.
Aniya, malaking hakbang ang ganitong aktibidad upang agarang maagapan at hindi na kumalat ang airborne disease sa loob ng kulungan.
Bukod dito ay nakatakdang magsagawa rin ng TB screening sa mga District Jail sa buong probinsiya sa susunod na buwan ng Abril.
Ang proyektong ito ay bahagi ng pagdiriwang ng World TB Day noong March 24. –Ulat ni Danira Gabriel