Sa kaugnay na balita, lumalabas na mali ang mga alegasyon ni Cong. Ria Vergara dahil una umano sa lahat ay hindi nag-iisyu ng quarry permit ang Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng termino ni Gov. Czarina “Cherry” Umali.
Sa hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong March 20, 2018, inihayag ng Ina ng Lalawigan, na sa ilalim ng kaniyang panunungkulan ay kailanman ay hindi nag-isyu ang Pamahalaang Panlalawigan ng quarry permit kundi ang tanging ibinibigay lamang nila ay Commercial Sand and Gravel Permit.
Ito ay base sa isinasaad ng Philippine Mining Act of 1995 Section 46 na nagpapahintulot sa mga gobernador na magbigay ng Commercial Sand and Gravel Permit.
Naninindigan ang Ina ng Lalawigan na ang sistema na kanilang sinusunod ay tama at may angkop na basehan alinsunod sa itinatakda ng batas.
Inungkat din ni Cong. Vergara ang proseso ng pagbubudget ng probinsiya na kung saan ipinaliwanag ng Gobernadora na kumokonsulta siya sa mga namumuno ng bawat departamento kagaya na lamang ni Environment and Natural Resources Officer Willy Pangilinan.
Kinwestiyon ni Cong. Vergara si Gov. Umali ukol sa lumabas na press statement nito na politika ang rason sa pagsulat ng una kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaan na nagresulta ito sa imbestigasyon ng Mines and Geosciences Bureau Region 3 kung saan lumabas na walang illegal quarrying at illegal logging na nagaganap sa Gabaldon.
Inilahad ni Gov. Umali na ang Pamalaang Panlalawigan ay may lehitimong Public Information Office na naglalabas ng opisyal na pahayag ng Gobernadora, hindi katulad ng ibang kampo na gumagamit ng mga trolls upang manira sa mga social networking sites. – Ulat ni Danira Gabriel