Nagkaisa ang limang eskwelahan at mga miyembro ng National Union of Journalists of the Philippines-Nueva Ecija Chapter na labanan ang “fake news” sa isinagawang Round Table Discussion sa M.V Gallego Foundation Colleges Incorporated.
Pinangunahan ni Dr. Joseph L. Gallego, President ng MVGFCI ang pagtindig kontra “fake news”. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang banta ito sa umiiral na demokrasya sa ating bansa dahil naglalaman ito ng mga maling impormasyon na layuning impluwensyahan ang opinyon ng publiko, manira ng reputasyon at pinsalain ang mga media institution.
Ayon kay Wilfredo Villareal, Deputy Secretary General ng NUJP, hindi dapat na magkaroon ng kalituhan kung totoo o peke ang isang balita. Paliwanag nito, hindi matatawag na balita ang “fake news” dahil may misimpormasyon at disimpormasyon dito.
Malinaw aniya ang depinisyon ng balita na base sa katotohanan na pinatutunayan ng mga ebidensya mula sa mga nakalap na mga interview at datos.
Sa mga media outlets, pagkatapos magawa ang istorya ay biniberipika pa ito, ini-edit at dumadaan pa sa legal consultant bago i-publish sa mga pahayagan at online o i-broadcast sa radyo at television.
Sa pahayag ng NUJP-NE na binasa ni Gie Herrera, Secretary General, ibinahagi nito na matagal nang ginagamit ng mga pulitiko hindi lamang dito sa Pilipinas ang mga tsismis at black propaganda para maghasik ng mali at likong impormasyon para sa kanilang sariling interes.
Nagkaroon lang ito ng bagong taguri “fake news” at platform sa mga social media at social networking sites na ginagamit ng mga trolls at fake accounts ng mga bayarang “keyboard warriors”.
Nakiisa at nagpahayag ng kanilang pagtutol sa “fake news” at pagsugpo sa pagpapakalat nito ang mga estudyante at kabataang mamamahayag ng ABE International, Central Luzon State University, College for Research and Technology, Our Lady of Fatima University at Provincial Youth Development Office gayundin ang mga dumalong member ng Nueva Ecija Press Corps at Central Luzon Media Association- Nueva Ecija.- ulat ni Clariza de Guzman