Naging atraksyon sa ginanap na art exhibit sa SM City Cabanatuan nitong nakaraang Sabado ang mga obrang gawa ng mga kilalang artists mula sa lalawigan at iba’t ibang panig ng bansa.

Ito ay bilang bahagi ng pagpapasinaya Sa ‘Obra: Alay ng Sining sa Lalawigan’ kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month.

INIALAY NG MGA KILALANG ARTISTS ANG MGA OBRANG ITO SA NUEVA ECIJA MUSEUM BILANG PAKIKIISA SA      PAGKAKATATAG NG ‘OBRA: ALAY NG SINING SA LALAWIGAN’ AT NATIONAL ARTS MONTH.

Ayon kay Armando Giron, Vice Chairmain ng Nueva Ecija Council for History, Culture and the Arts, ang mga nasabing obra ay inialay ng mga artists sa Nueva Ecija Museum bilang pakikiisa sa layuning pagbibigay-buhay sa sining at kultura ng mga Novo Ecijano.

Makikita sa mga Obra ang impresyon ng mga artists sa kabuhayan at kultura ng Nueva Ecija tulad ng longganisa ng Cabanatuan, mga kakanin, pagtatanim at pagsasaka ng palay at iba pa.

Sa naganap na programa ay isa-isang binigyang parangal ang mga nasabing artists bilang pasasalamat sa kanilang ibinigay na obra sa lalawigan.

Naging emosyonal naman si Carina Parial, matapos kilalanin bilang “Natatanging Anak ng Sining ng Nueva Ecija’’ ang yumaong asawa na si Mario Parial na isang kilalang pintor, film-maker at photographer.

Samantala, dumalo naman bilang guest speaker si Department of Tourism Regional Director Carol DG Uy at Nueva Ecija Tourism Officer Lorna Mae Vero habang guest of honor naman ang art master na si Fidel Sarmiento.

Buo rin ang naging suporta ni Governor Cherry Domingo Umali na bagamat hindi nakadalo sa nasabing pagtitipon ay nagpaabot ng kanyang mensahe at buong pusong pasasalamat sa mga alagad ng sining at kultura sa lalawigan at iba’t ibang panig ng bansa. –ULAT NI JANINE REYES.