Parte na ng pag-aayuno ng mga Katolikong deboto ang hindi pagkain ng karne tuwing sasapit ang kwaresma. Bahagi aniya ito ng pagpepenetensya kung saan kinokontrol ang sarili at nagsasakripisyo bilang pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.

Isa si Joan Palomo sa mga Katolikong palaging kumakain ng karne kaya naman sa paggunita ng ash Wednesday kahapon ay pinili nitong bumili ng isda.

Samantala, hindi naman gumalaw ang presyo ng mga isda sa palengke at nanatili lamang ito sa dating presyo.

Sa ngayon ay nagkakahalaga pa rin ng P100- P120 ang bawat kilo ng tilapia. P150- P160 naman sa bangus habang P130 ang hito at nasa P100- P120 naman ang galunggong.

Ayon din sa mga nagtitinda, hindi pa nila alam kung kailan at gaano ang itataas ng presyo ng isda pagsapit ng holy week.

Samantala, naging matumal naman ang bentahan ng karne sa palengke. Ayon sa mga tindera, kaunti lamang ang kanilang itininda sapagkat karamihan sa kanilang mamimili ay hindi muna kumain ng karne upang mangilin.

Kaugnay nito ay hindi rin gumalaw ang presyo ng karne sa palengke. Ang laman ng baboy ay nagkakahalaga ng P200-P220 kada kilo. Ang mga ribs o buto-buto, balingit at pata ay pumapalo naman ng P160-P180 kada kilo. –Ulat ni Irish Pangilinan