Lalong umiigting ang hindi pagkakaunawaan ng bansang Amerika at bansang China matapos i-anunsyo ng bansang China na isususpinde na nito ang kooperasyon sa Estados Unidos. Ito ay matapos akusahan ng Estados Unidos ang limang military Chinese national ng cyberspying. Ang mga hacker ay natunton at nakilala na ito pala ay ang People’s Liberation Army Hacking Unit “61398”.
Ang limang Chinese military national na inakusahan ng cyberspying ay sina
Huang Zhenyu, Wen Xinuy, Sun Kailiang, Gu Chunhai, at Wang Dong. Sa isang 12-story building sa Pudong, Shanghai, China ay natunton ang lokasyon ng mga hacker na pumasok sa iba’t-ibang commercial sites ng Estados Unidos kabilang na ang isang government website kung saan napag-alaman na ito ay kumuha ng ilang mga detalye at nagtanim ng malware sa mga website na ito pagkatapos.
Ipinatawag naman umano ng Chinese officials ang US ambassador sa Beijing at binalaan ito na sasalungat at lalaban ang bansang China kung hindi iuurong ng Estados Unidos ang kanilang reklamo.
Pati nga ang Estados Unidos ay nagkakaroon na rin ng di-pagkakaunawaang personal sa bansang China. Isang pagbabanggaan ng dalawa sa naglalakihang bansa pagdating sa lakas at kapangyarihang military bukod sa personal na laban ay nakasalang din ang ilang mga kaalyadong bansa ng Estados Unidos dahil sa Kalayaan Group of Islands, kabilang na rin dito ang bansang Pilipinas.
Sa laban ng mga Pilipino para sa West Philippine Sea Kalayaan Group of Islands, ang isa sa mga pinanghahawakan ng ating bansa ay ang kaugnayan nito sa Estados Unidos. Ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng United States of America at Pilipinas na pinirmahan nito lamang April 28 2014 nang bumisita ang si Presidente Barrack Obama sa ating bansa.
Ang EDCA ay pinirmahan ni Philippine Defense Secretary Voltaire Gazmin at u.S. Ambassador to the Philippines Philip Goldberg. Ang EDCA, na tatagal ng sampung taon, ay naglalayong mas palakasin pa ang ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas pagdating sa kasunduang militar. Nakasaad dito na handang tumulong ang alin man sa dalawang bansa kung sakaling ito ay sasabak sa isang giyera.
Nasasaad din sa EDCA na maaaring magtayo ng pansamantalang base ang mga US military sa loob ng bansa sa mga lugar na inilaan ng bansang Pilipinas. Hindi maaaring magpasok ng nuclear weapons at bumuo nito sa loob ng bansa at sa ngayon ay magkakaroon na ng access ang US Army sa limang military bases sa loob ng bansa.
Ngunit ang tanong: Tutulong nga ba ang Estados Unidos kung sakaling pumutok ang laban sa pagitan ng Pilipinas at bansang China?
Sa pagbisita ni United States President Barrack Obama sa bansa, ikinagulat ng mga mamamayan ang binitiwan nitong pahayag na hindi ito makikialam sa namumuong tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas sa usapin ng Panatag Shoal at Kalayaan Group of Islands.
Nagbitiw din ng pahayag si Obama na tila ba hindi na ito gagawa ng hakbang upang proteksyunan ang mga nasabing isla.
Dahil dito, nadismaya ang ilang Pilipinong naniniwalang ang Estados Unidos lamang ang pag-asa ng bansa upang manalo kung sakali mang dumating sa puntong kinakailangan na ng pwersa militar ang pagtatanggol sa mga isla sa West Philippine Sea.
Ito ay kinabahala at pinagtakhan ng marami, lalo na’t salungat ang binigay nitong pahayag sa kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng EDCA. Hanggang sa ngayon ay nangangapa pa rin sa dilim ang karamihan lalo pa at patuloy sa pagpapalakas ang bansang China sa kanilang hukbong pansandatahan.
EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement ba o ang mga salita ni President Barrack Obama ang panghahawakan ng mga Pilipino pagdating sa usapin ng Kalayaan Group of Islands?