Simbolo umano ng pagbibigay ng pag-asa at kapayapaan para sa ating mga kababayang naninimdim, ang liwanag na dulot ng tatlumpo at tatlong parol na gawa ng mga alagad ng batas na nakapalamuti ngayong kapaskuhan sa Nueva Ecija Provincial Police Office.
Sa panayam kay PSI Jacquiline Gahid ng PIO-NEPPO, inilunsad ang Lantern Making Contest bilang bahagi ng selebrasyon ng Paskuhan sa NEPPO na may temang “Pasko ng Pulis NEPPO, Magniningning at Magbibigay Kapayapaan sa mga Novo Ecijano”.
Layunin ng paligsahan na ipamalas ang pagkamalikhain at pagiging maparaan ng kapulisan mula sa tatlumpo at dalawang istasyon sa lalawigan kasama ang PPSC, sa pamamagitan ng paggawa ng mga parol na yari sa mga patapong bagay at katutubong materyales na matatagpuan sa bawat bayan at lungsod.

Ang parol na gawa ng General Natividad Police Station ay yari sa mga plastic na kutsara, bote ng softdrinks at straw.
Ang pagsasabit ng parol sa tahanan tuwing magpapasko ay kultura na nating mga Filipino na impluwesya ng mga Kastila na nagpalaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa.
Ang parol ay tanda ng bituing naging gabay ng tatlong haring mago patungong Betlehem kung saan ipinanganak si Hesu Kristo.
Pumukaw ng atensyon ng mga hurado ang mga parol na likha ng mga tauhan ng Zaragoza, Lupao at General Natividad Police Stations dahil sa pambihirang itsura ng mga ito na pinatingkad ng mga mga ikinabit na ilaw.
Sinimulang pailawan ang mga parol sa loob ng NEPPO compound noong gabi ng December 6, 2017.
Ang mga pictures nito ay naka-post sa Facebook Account ng PCRB NEPPO, at ang makakakuha ng pinaka maraming likes ay magkakamit ng karagdagang premyo. I-aanunsiyo ang mga nagwagi sa darating na December 18, 2017.