Sa pamamagitan ng isang rally na ginanap sa Boy Scouts Circle sa Timog Ave., Quezon City ay ipinahayag ng ilang mga progresibong grupo  na pinangunahan ng The Promotion of Church People’s Response, karapatan, at iba pang Rights Groups ang kanilang poot kaugnay sa pagpaslang sa Pari ng Nueva Ecija na si Fr. Marcelito Paez, na kilala rin bilang Fr. “Tito”.

Ayon sa pulisya, nangyari ang pananambang noong lunes bandang alas syete y media ng gabi sa Sitio Sanggalan, Brgy. Lambakin, Jaen, Nueva Ecija, habang binabaybay ng 72 year old na pari sakay ang kanyang kotse ang Jaen-Zaragoza Road nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang riding in tandem.

Nagawa pang isugod sa Gonzales General Hospital ang biktima upang malapatan ng lunas, ngunit idineklarang Dead on arrival.

Mariin namang kinokondena ng mananampalataya at kaparian ng Diocese of San Jose City at Diocese of Cabanatuan ang sinapit ng pari.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Nananawagan ang simbahang katolika sa kinauukulan na bigyang linaw at katarungan ang di makataong pagpatay kay Fr. Paez.

Napag alaman na si Fr. Tito ay aktibo  sa mga usaping panlipunan lalo na sa usapin ng karapatang pantao, magsasaka at mahihirap.

Pinamunuan ang opisina ng Justice and Peace na ang pangunahing layunin ay itaguyod ang mga karapatan ng mga maliliit, mahihirap na magbubukid at manggagawa.

Si Fr. Tito Paez ay retiradong pari ng bayan ng Guimba at Diocese ng San Jose noong 2015, coordinator  Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon na naglingkod bilang pari ng mahigit 30 taon.

Taong 1980 siya ay naging pinuno ng Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines kung saan ito ay kampanya laban sa US Military Base sa Central Luzon at sa iba pang parte ng bansa.

Bago pa man ang insidente ay isa si Paez sa mga tumulong upang padaliin ang pagpapalaya sa political prisoner na si Rommel Tucay na inaresto ng Philippine Army 56th Infantry Batallion sa kanyang bahay sa  Carranglan, Nueva Ecija.

Si Father Tito ay kasalukuyang nakaburol sa Bahay Pari sa Baloc, Sto Dominggo, Nueva Ecija.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran