Simula na ng panahon ng kapaskuhan kaya naman muling binuksan ang Carron Dreampark na patok na pasyalan ngayong holiday season sa Sto. Cristo, San Isidro, Nueva Ecija.
Sa halagang P50 na entrance fee ay maari nang makapasok sa naturang theme park at magpapicture sa mga disenyo nitong mala-Hansel and Gretel ang dating.
Abot-kaya rin ng bulsa ang admission fee para makasakay sa mga rides at makapaglaro sa mga midway games na nagkakahalaga ng P40 hanggang P100. Kung ang nais naman ay ride-all-you-can ay maaaring masakyan lahat ng mga rides sa halagang P300.
Ang Carron Dreampark ay binuksan nitong November 17 at mananatiling bukas hanggang January 7, 2018. Mayroon itong 13 rides na maaaring ma-enjoy ng mga bata, magbabarkada at ng buong pamilya.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Ventor Ronil Santos na ang Carron Amusement Rides Corporation ay ang tanging manufacturer ng mga rides sa PIlipinas at tiniyak nito ang kalidad ng kanilang mga produkto kaya naman ligtas aniyang sakyan ang mga ito.
Labis naman na ikinatuwa ng mga Novo Ecijano ang muling pagbubukas ng Carron dahil bukod sa mura ay hindi na nila kailangan pang lumayo upang makapunta sa isang theme park. -Ulat ni Irish Pangilinan