Isang tama ng bala sa noo ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng isang babaeng negosyante matapos itong tumangging ibigay ang kanyang bag sa hindi nakilalang tandem sa Purok 2, Brgy. Maligaya, Cabiao, Nueva Ecija, noong linggo dakong alas syete singkwenta ng gabi.
Base sa pulisya, papauwi na ang biktimang si Mary Ann Laguardia y Dela Cruz, singkwentay sais anyos, may asawa at residente ng naturang barangay na back ride ng kanyang asawa na si Bernardo Laguardia y Orbe sakay ang motorized tricycle nang harangin ang mga ito ng dalawang lalaking magkaangkas sa motor.
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang ginang habang pilit na kinukuha ang kanyang bag ngunit hindi nito ibinigay, dahil dito isa sa mga suspek ang bumaril sa kanya sa noo at pwersahang kinuha ang bag.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ang kulay itin na Yamaha Mio Motorcycle patungong San Juan North, Cabiao, Nueva Ecija.
Ang mga suspek ay kapwa nakasuot ng long jeans, itim na jacket, at naka-cover ang mukha. Ang back ride ay may suot na itim na sombrero at tinatayang nasa 5’8’’ hanggang 5’10’’ ang taas, habang ang driver ay may katabaan at nasa 5’5’’ hanggang 5’7’’ ang taas.
Nagawa pang maisugod sa Cabiao General Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival, habang agad namang nagsagawa ng Dragnet Operation ang Cabiao Police Station at mga kalapit na istasyon ng pulisya para sa posibleng pagkadakip ng mga suspek.—Ulat ni Jovelyn Astrero