Plano ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)- Nueva Ecija Provincial Office (NEPO) na ipagdiwang taon-taon ang “Padit-Subkal” Festival o Aming Tribu Novo Ecijano Provincial Tribal Festival dahil sa matagumpay na paglulunsad nito sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan na ginanap sa NEUST Sumacab Campus.
Ayon kay Dr. Donato Bumacas Provincial Officer ng NCIP-NEPO, nais nila na pagyamanin ang kultura ng mga Tribung Novo Ecijano at makatulong sa paglago ng turismo sa probinsiya.
Ang “Padit” ay salitang mula sa Kalanguya na ang ibig sabihin ay Reunion of Tribes o Thanksgiving. Habang ang “Subkal” ay hango sa salitang Dumagat na nangangahulugang Prayer ritual for a big event.
Ito ay dinaluhan ng mga kawani ng Provincial Government, Local Government Unit’s, Public and Private Sectors, Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) at miyembro ng labing isang Tribu na mula sa mga bayan ng Gabaldon, General Natividad, Pantabangan, Rizal, Carranglan at mga lungsod ng Cabanatuan, San Jose at Palayan.
Sa mensahe ni Atty. Ana Maria Paz Rafael-Banaag Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na sana sa pagsasalin-salin ng henerasyon ay patuloy pa rin na mapayaman ang kultura ng mga Katutubong Pilipino.
Samantala, sa datos ng NCIP, umaabot sa Isang Daan at Dalawampu’t Anim na libong mga Indigenous People(IP’s) ang naninirahan sa buong probinsiya. Ngunit, nakakalungkot lang aniya na mabibilang lang sa daliri ang mga IP’s na nakapagtapos ng kolehiyo.
Bilang tugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa katauhan ni Bot Balino na kumatawan kay Gov. Cherry Umali ay Libreng Iskolarship sa kolehiyo ang ipagkakaloob sa lahat ng mga katutubo.
Dahil dito, lubos na pasasalamat ang naging pahayag ng NCIP. – Ulat ni Danira Gabriel