Binigyang pagkilala ang mga natatanging magsasaka at mangingisda ng Nueva Ecija sa ginanap na Provincial Gawad Saka 2017 nitong October 24 sa New Capitol, Palayan City.

Nakasailalaim sa pitong kategorya ang ginawaran ng parangal ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina “Cherry” Umali at ng Office of Provincial Agriculture o OPA.

Awarding of Gawad Saka Provincial Winners (Fr. L-R; OPA officer Serafin Santos, Provincial Administrator Alejandro Abesamis, Outstanding Young Farmer Ernesto Perlas, Jr., Gov. Czarina Umali, Provincial Gawad Saka Coordinator Leonila Acuña, Provincial High Value Crops Development Program Coordinator Gregorio Quiniones.

Kinilala si Ernesto Perlas, Jr. mula sa Palayan City. bilang Outsatanding Young Farmer.

Itinanghal naman si Ronilo Gines ng Llanera bilang Outstanding High Value Crop Development Program Farmer.

Binigyang pagkilala rin ang Municipal Agricultural & Fishery Council o MAFC ng Sta. Rosa bilang Outstanding MAFC.

Kinilala naman bilang Outstanding Small farmers Organization ang Nagkakaisang Magsasaka Agricultural MPC ng Talavera.

Nakatanggap din ng parangal ang Catalanacan Multi-Purpose Cooperative ng Science City of Muñoz bilang Outstanding Agri-Entrepreneur.

Habang itinanghal na Outstanding Rural Improvement Club o RIC ang Pag-asa RIC ng Sto. Domingo.

Sa talumpati ng gobernadora, ipinahayag nito na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OPA sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t-ibang proyekto katulad ng pamimigay ng mga binhi, buto ng gulay at prutas at maging kawayan. Bukod pa rito ay binanggit din ng Gov. Umali ang pagsasaayos ng kalsada mula sa mga kabukiran patungong pamilihan, pagpapahiram ng pang-ararao sa bukid at ang insurance para sa mga pananim ng magsasaka.

Ayon naman kay, Leonila Acuña, Coordinator ng Provincial Gawad Saka, taun-taon nilang isinasagawa ang Provincial Gawad Saka 2017 upang bigyang pagkilala ang mga natatanging magsasaka ng lalawigan. Aniya, nagsisimula sa mga munisipalidad ng lalawigan ang pagpili sa mga awardees. Pagkatapos nito ay aakyat sila sa Provincial level at dito pipili ng ipanglalaban sa regional level.

Dagdag pa ni Acuña, sa nakaraang Regional Gawad Saka nitong October 17 ay apat ang nagwagi mula sa Nueva Ecija. Isa rito si Josephine Perlas na finalist sa National level at ang buong pamilya nito na nakakuha ng farm family award.

Ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan at Office of Provincial Agriculture ang Onion seeds sa mga magsasaka ng bayan ng Bongabon, Gabaldon, Llanera, at Palayan City.

Samantala kasabay ng pagbibigay ng parangal ay ang pamamahagi ng 350 na lata ng onion seeds na nagkakahalaga ng P7,000 isang lata para sa ilang magsasaka ng bayan ng Bongabon, Gabaldon, Llanera, at Palayan City. Nagpamigay din ng power sprayer sa ilang magsasaka ng Gen. Tinio, San Antonio, Gapan City, Cabiao at Zaragoza.