Magbabawas ng 3,500 pounds ang mahigit dalawandaang overweight at obese na miyembro ng  Nueva Ecija Provincial Police Office sa loob ng anim na buwan para sa Mission: Slim Possible ng Philippine National Police na inilunsad ni General Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Police Senior Inspector Gemma Lomboy, facilitator ng program sa NEPPO, 7, 000 pounds ang hamon para sa PNP Region 3, kalahati nito ay sa lalawigan dahil sa dami ng bilang ng mga pulis na sobra sa timbang.

268 PNP personnel ng NEPPO ang kabilang sa Mission: Slim Possible.

Isa na rito si Police Officer 3 Joseph Mudlong Rodriguez, 35 years old,  ang dati niyang timbang ay 90 kilos ngunit dahil aniya sa ehersisyo at pagbabawas ng pagkain ay bumagsak ang kanyang katawan sa 72 kilos.

Sinimulan ng NEPPO ang programa noong buwan ng Hulyo at magtatapos sa Disyembre. Layunin nito na maging physically fit ang mga pulis upang maging masigla sa pagganap ng kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan.- ulat ni Clariza de Guzman