Buwan umano ng Disyembre noong taong 2016 nagsimulang gumawa ng yema si Laureta Imutos, President ng kababaihan sa barangay Ligaya. Sa puhunan na halagang Php239.00 ay nakabibili na siya ng ingredients at wrapper na nakagagawa ng 650 pieces na yema na ibinebenta ng Php20.00 per plastic sa mga eskwelahan.

Php330.00 naman aniya ang halagang kailangan sa pulboron para makagawa ng 750 piraso nito mula sa 2 kilos ng harina na hinaluan ng washed sugar, condensed milk at peanuts.

Mga produktong yari sa beads naman ang pinagkakakitaan ng kababaihan sa Bantug na pinamumunuan ni Maribel Barbosa. Kwento nito, bukod sa training ng paggawa ng bags, keychain, at ID holder ay nanggaling rin ang puhunan sa kanilang Municipal leader na si Konsehala Rosemarie Miguel. Bawat miyembro ay inuupahan ng Php8.00 kada mabubuong keychain.

Ang Samahang Kababaihan ng Gabaldon sa kanilang buwanang pagpupulong sa pangunguna ni Kon. Rosemarie Miguel.

Instant salabat naman ang napiling pagkaperahan ni Aurora Kahilig, Pangulo ng barangay Bugnan. Sa halagang Php250.00 ay nakabibili na siya ng isang kilong luya, asukal, at garapon. By order gumagawa ng kanyang produkto si Aurora na ibinebenta niya mula Php30.00-Php35.00, kung saan kumikita siya ng Php110.00 per garapon.

Si Yolanda Sibayan naman na isang Barangay Health Worker ng Calabasa, naisipang i-preserba ang dahon ng lagundi na kilala bilang mabisang gamot sa sakit ng sikmura at ubo.

Matapos patuyuin ang isang baso ng nilagang dahon ng lagundi, isinangag niya ito kasahog ng tatlong kutsaritang asukal. Sa halagang limang piso makabibili na ng lagundi powder. –ulat ni Clariza de Guzman