Nagbigay ng kanilang suhestiyon ang ilang coaches at trainers na aming nakapanayam kung paanong makukuha ng Team Nueva Ecija ang kampeonato para sa susunod na CLARAA meet.
Para kay Aldrin Padolina trainer ng Volleyball Secondary Boys, sang-ayon siya sa plano ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina Umali na kumuha ng coaches and trainers mula sa nasyunal upang tumulong na magturo sa mga batang atleta.
Sa ginanap na programa ng pagkilala sa mga nakapag-uwi ng karangalan sa lalawigan sa katatapos na CLARAA , hinikayat ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang mga guro ng DepEd-Nueva Ecija na magbigay ng mungkahi kung paano pa makatutulong ang mga lokal na pamahalaan upang mapahusay ang mga estudyanteng manlalaro.

Makikita sa selfie picture ng Volleyball Girls trainer ng Team Nueva Ecija na si Ramonchito Flores kung ang kanyang mga improvised training equipment.
Sa panayam kay Virgilio Viesca, trainer ng Basketball Elementary na nakasungkit ng bronze sa CLARAA meet 2017, hinihiling nito na mabigyan sana ng financial support ang mga batang atleta habang nagti-training.
Suhestiyon naman ni Joel Sabado, trainer ng Sepak Takraw Secondary Boys dapat magkaroon ng exposure ang kanilang mga players sa labas ng probinsiya para mahasa pa ang kanilang kakayahan. Nakapag-uwi ng silver ang kanyang team kung saan dalawa sa mga ito ay napiling lumahok sa Palarong Pambansa.
Samantala, training equipment naman ang hinihingi ni Ramonchito Flores, trainer ng Volleyball Girls na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasama aniya sa finals at nanalo ng silver.
Kwento nito, nag-improvised lang siya ng mga ginamit ng mga estudyante sa pagsasanay. Katulad ng torotot na dapat sana ay cone, at hula hoops at lubid imbes na ladder.- ulat ni Clariza de Guzman