Humihingi ng respeto si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa ilang mga konsehal na sinubukan siyang i-by pass kaugnay ng pagtutulak sa pag-amyenda sa Resolution No. 003-2016 o “Internal Rules of Procedure for the Sangguniang Panlungsod of Cabanatuan.”
“Respeto lang.”
Ito ang hiniling ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa ilang mga konsehal na nagtutulak sa pag-amyenda sa Resolution No. 003-2016 o kilala din bilang “Internal Rules of Procedure for the Sangguniang Panlungsod of Cabanatuan.”
Sa Parliamentary Inquiry ni Kon. Rosendo Del Rosario Jr., tinanong nito kung bakit hindi naisama sa agenda ng Ika-Pitong Regular Session ang kanilang inihahaing pag-amyenda sa naturang resolusyon.
Isinasaad sa inihaing Proposed Amendment ang pagbabago sa Sec. 2 at 9 paragraph (b) ng Rule no. 8 ng Internal Rules.
Kung saan, sa Sec. 2, imbes na ang sekretarya ng Sangguniang Panlungsod ang mag pre-pa-pare ng Calendar of Business ng mga session ay ililipat ito sa Committee on Laws, Rules and Regulations na pinamumunuan ni Kon. EJ Joson na noted lamang ang Presiding Officer.
Tinanong naman ni Kon. Nero Mercado, kung ano ang mga posibleng dahilan kung bakit ipinapanukala na amyendahan ang naturang resolusyon. Samantalang, na aprubahan na aniya nila ito noong magsimula sila na maupo bilang mga bagong halal ng lungsod.
Ayon kay Vice Mayor Umali, ang pag-alis sa kaniya ng karapatan na mag prepare ng agenda ay parang pag-alis na rin sa karapatan niya bilang bise alkalde.
Saad naman ni Kon. Froilan Valino, noong mga nakaraang Sanggunian umano ay ganon na ang sistema.
Ngunit, pinabulaanan ito ng Legislative Officer. –Ulat ni DANIRA GABRIEL