Naglaan ng tumataginting na 9.3-Million pesos na pondo ang Provincial Local School Board para sa Department of Education School Division of Nueva Ecija na isa sa mga delegado ng CLARAA meet 2017 na kasalukuyang ginaganap sa Bulacan Sports Complex sa Malolos City, Bulacan.
Sa panayam kay DepEd Nueva Ecija School Sports Coordinator Charina Soge, sinabi nito na sa kasaysayan ng paglahok ng kanilang division sa nasabing palaro ay ngayong taon sila nagkaroon ng pinaka malaking budget.

Ang mga atleta ng DedpEd-Nueva Ecija mula sa Bongabon District.
Kinukuha aniya ito sa Special Education Fund na 1% ng halaga ng real property tax na binabayaran ng mamamayan sa Pamahalaang Panlalawigan.
Kinailangan umano ang malaking pondo na ginugol para sa lahat ng gastusin sa pagsali sa CLARAA. Mula sa mga pangangailangan ng mga atleta gaya ng uniform, sapatos, back packs, roll beds, allowance, at transportation expenses.
Maging ang mga de kalidad na equipment na ginamit sa pagpa-praktis ng mga batang manlalaro katulad ng gymnastics apparatus ay inangkat pa sa ibang bansa.
Sulit naman daw na gastusan ang kagamitan sa pagsasanay dahil mas pinahuhusay ng mga ito ang kakayanan ng mga atletang Novo Ecijano.
Umabot sa mahigit apat na raang estudyante ng DepEd-Nueva Ecija ang lumahok at nakikipagtagisan ng galing sa larangan ng iba’t ibang sports kontra iba pang delegasyon sa CLARAA meet 2017. – ulat niClariza de Guzman