Matibay at hindi umano magigiba ng tinaguriang “The Big One” earthquake ang Pantabangan dam na matatagpuan dito sa lalawigan ng Nueva Ecija, ito ang tinitiyak ng Philippine Volcanology and Seismology na nakabase sa Palayan City.
Sa gitna ng mga pangamba at paghahanda sa malakas na paglindol na idudulot ng pagkahinog ng West Valley Fault System, nilinaw ni Wilmer Legaspi, Science Research Analyst ng Phivolcs na walang dahilan para matakot ang mga tao na baka masira ang dam sa Pantabangan.

Si Wilmer Legaspi, Science Research Analyst ng PHIVOLCS- Palayan City.
Ang West Valley Fault ay matatagpuan sa lungsod ng Marikina at nag-uugnay sa Dingalan, Aurora, hihinto sa Angat, Bulacan, at muling babagtas sa mga karatig lungsod sa Metro Manila, at karatig probinsiya ng Cavite, at Laguna.
Dahil sa Fault System na ito kaya may banta ng tinatawag na Big One na isang napakalakas na pagyanig na papalo sa Magnitude 7.2 na sinasabing sisira sa limandaang libong kabahayan, at mga gusali; at posibleng pumatay sa mahigit 35,000 na katao.
Ayon kay Legaspi, bagaman malayo ang West Valley Fault sa Pantabangan dam, madadamay pa rin ito sa ground shaking ngunit dahil matibay daw ang pagkakagawa nito ay hindi ito matitinag kahit pa ng intensity 9 o 10 na lindol. Napatunayan na umano ang tatag nito noong July 16, 1990 nang huling gumalaw ang Digdig Fault na tinatayang nasa 10 kilometers ang distansiya mula sa nasabing dam.- ulat ni Clariza de Guzman