Isang buwan mula ng magbukas ang voter’s registration para sa Sangguniang Kabataan at Barangay Elections ay muli nang nagpaalala ang Commission on Elections-Nueva Ecija sa mga Novo Ecijano na maagang magparehistro.

   Ayon kay Provincial Elections Supervisor Atty. Panfilo Doctor Jr., habang maaga pa ay hinihimok na nitong magpalista ang mga Novo Ecijano lalo na ang mga first timer na boboto, upang hindi na makipag-gitgitan sa last day ng registration at maiwasan ang anumang problema.

   Sa Voter’s Registration Monthly Monitoring ng Provincial COMELEC, mula November 7-30, 2016 ay umaabot na sa tatlong libo tatlong daan at walumput anim ang nakapagrehistro, kung saan ang Lungsod ng Cabanatuan ang may pinakamaraming bilang na umabot sa limang daan at walumpot syam na botante.

   Nagsimula ang pagpapatala noong ika-7 ng Nobyembre at magtatapos sa ika-30 ng Disyembre para ngayong 2016, at muling magbubukas ng ika-2 ng Enero 2017 hanggang April 29, 2017.

   Ang COMELEC ay bukas mula lunes hanggang sabado, ngunit sarado sa araw ng December 24 at 25 at sa April 13 at 14.

   Edad kinse hanggang tatlumpo ang maaaring magpatala at bumoto sa SK Elections. –Ulat ni Jovelyn Astrero