Winakasan na noong nakaraang linggo ang quarter finals ng NECSL o Nueva Ecija Collegiate Sports League na ginanap sa Fatima Gymnasium.
Kahit na hindi maganda ang panahon dahil sa Bagyong Lawin, itinuloy pa rin ng Sports and Youth Development Services ang laro ng Women’s Volleyball at Men’s Basketball.

NEUST PHOENIX, NANGUNA SA WOMEN’S VOLLEYBALL; 5-0 RECORD
Sa Women’s Volleyball, nagawang talunin ng NEUST Phoenix ang CLSU Green Cobras noong Biyernes sa pagtatapos ng Quarter Finals.
Bukod sa CLSU, pinatumba rin ng NEUST ang WUP, CRT, ELJMC at GJC. Dahil dito, sila ang unang koponang pumasok sa semifinals ng Women’s Volleyball na may 5-0 record.
Sumunod ang CLSU Green Cobras na may 4-1 record para sa ikalawang pwesto. Nakuha naman ng CRT Bluefox ang ikatlong pwesto na may 3-2 record habang naswertihan ng WUP Riders ang ikaapat na pwesto na may 2-3 record.

CLSU GREEN COBRAS, NANATILING N0.1 SA RANKING NG SEMI-FINAL ROUND NG MEN’S VOLLEYBALL
Sa Men’s Volleyball, pinangunahan ng CLSU Green Cobras ang limang koponang pumasok sa semi-finals matapos magposte ng 5-0 record.
Kasama ng CLSU Green Cobras na pumasok sa semis ang NEUST Phoenix na may kartada na 4-1, sinundan ito ng WUP Riders na may 3-2 record, at CIC Kings na may 2-3 record.

CLSU GREEN COBRAS, PINATAOB ANG MGA KATUNGGALI SA MEN’S BASKETBALL, NAGTALA NG 5-0 RECORD
Samantala sa Men’s Basketball, pinatumba ng CLSU Green Cobras ang GJC Generals, 103-82 sa pangunguna ni Balmores na nagtala ng 21 puntos. Dahil sa magandang team work ng nasabing koponan, nakamit nila ang unang pwesto sa Semis ng Men’s Basketball.
Gitgitan din ang naging labanan sa pagitan ng CIC Kings at WUP Riders. Sa papamigitan ni Jejillos na umukit ng 36 points, 5 rebounds, 1 assists at 3 steals, tinalo nila ang Wesleyan, 98-97. Sa buong kasaysayan ng NECSL, ito ang kauna-unahang pagkakataon na umarangkada sa pangalawang pwesto ang CIC.
Pumangatlo ang NEUST Phoenix na may 3-2 record na nakuha sa CIC Kings at CLSU Green Cobras.
Habang ang back to back champion ng WUP Riders, bumaba mula sa ika-apat na pwesto na may 2-3 record.- Ulat ni Shane Tolentino