Siniguro ng Department of Education-Nueva Ecija Division na handang-handa na ang kanilang ahensiya sa implemetasyon ng grade 11 o senior high school sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa lalawigan.
Ayon kay Ronaldo Pozon School Division Superintendent ng DEPED-NE, limang taon nilang pinaghandaan ang programa. Kaya‘t nakasisiguro sila na magiging plantsado ang pagpapatupad nito.
Sa lalawigan, 222 paaralan ang nag-aalok ng senior high school: 105 sa pribado at 117 sa pampubliko.
Ang pitumpong porsyento ng mga estudyanteng nagtapos ng Grade 10 ay mapupunta sa mga pampublikong eskwelahan habang ang natitirang tatlumpong porsyento ay mapupunta sa mga pribadong paaaralan.
Ngunit, giit ni Pozon, hindi nila mapipilit ang mga estudyante kung saan eskwelahan nito pipiliing pumasok.
Dagdag pa ni Pozon, maari naman gamitin ng mga estudyante ang voucher system ng ahensiya. Kapag hindi na sila kayang tanggapin ng mga pampublikong eskwelahan.
Nagumpisa ang enrollment ng senior high school noong May 2 at magtatapos sa June 10, 2016. Ang senior high school ay parte ng K-12 education system ng ahensiya. -Ulat ni Danira Gabriel