
Si Dobol P kasama ng kanyang abogado habang ipini-prisenta ang mga ebidensiya sa NTC sa diumano’y illegal na pagbo-broadcast ng DWJJ TV Channel 16.

Isa ang station license ng DWJJ-AM sa mga ebidensyang ipinirisenta ni Dobol P sa NTC patunay na ang radio station lang umano ang binigyan ng awtorisasyon na sumahimpapawid at hindi kasama ang Channel 16.
Inatasan ng National Telecommunications Commission ang Kaissar Broadcasting Network Incorporated na sagutin ang kasong isinampa ni Philip “Dobol P” Piccio laban sa kanilang diumano’y illegal na pagbo-broadcast.
September 11, 2015 sinampahan ni Piccio ng kasong paglabag sa Republic Act 7925 o Public Servant Act ang Kaissar Broadcasting Network na illegal na pagbo-broadcast ng DWJJ TV Channel 16 na matatagpuan sa Cabanatuan City.
Napag-alaman na ang Kaissar Broadcasting Network ay inisyuhan ng Station License number 0840 to operate upang makapag-broadcast ang DWJJ-AM, ibig sabihin ang radio station lamang ng DWJJ ang binigyan ng lisensya.
Walang provisional authority o awtorisasyon ang Channel 16 galing sa NTC para makapag-broadcast.
Mula taong 2012, illegal nang nag-ooperate ang DWJJ TV Channel 16 nang walang kaukulang lisensya, patunay ang mga programang ipinapalabas dito na “Mayor Jay sa Dobol Jay” at “Harana”.
Ayon kay Piccio, nagsagawa ng isang survey kung saan natuklasan na illegal na nagbo-broadcast ang Channel 16 sa mga bayan ng Zaragoza, Palayan, Laur, Talavera, Aliaga, Sta. Rosa.
October 20, 2015 humarap si Dobol P kasama ng kanyang abogado sa hearing sa NTC at i-prinisenta ang kanilang mga ebidensiya. Samantala, wala namang sumipot sa kampo ng DWJJ.
November 24, 2015, muling nagpatawag ng hearing ang NTC. Dumalo ang abogado ng Channel 16 na binigyan ng direktiba ng NTC na sagutin ang alegasyon kontra sa kanila sa loob ng sampong araw. – ulat ni Clariza de Guzman