Kabilang sa mga nasira sa pananalasa ng bagyong Lando ay ang water system o pinagkukunan ng malinis na tubig ng mga mamamayan sa ilang parte ng Nueva Ecija, partikular sa Bayan ng Laur at Gabaldon, dahilan upang hindi umano masunod ang proper hygiene o tamang pangangalaga sa kalinisan ng katawan, lalo na sa mga bata.
Kaya naman sa halip na bigas, noodles, at de lata, ay hygiene kit na naglalaman ng mga sabong panlaba, sabong mabango, shampoo, tuwalya at iba pa, kasama pa ang water kit tulad ng timba, ang ipinamahagi ng Plan International sa isang libong pamilya mula sa apat na Barangay ng Bayan ng Laur at Gabaldon.
Ang Plan ay isang international humanitarian non-government organization na nakatutok sa pag-agapay sa karapatan at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata.
Ayon kay Eli Mechanic ng Plan International, nakita nila ang laki ng pinsalang dinulot ng bagyong Lando sa Lalawigan, kaya sa pakikipagtulungan ng ASKI lending company, pinili ng grupo ang apat na pangunahin at lubhang napinsalang barangay na may mas maraming apektadong pamilya at may mas mataas na bilang ng mga bata.
Dahil sa nasirang hanap buhay ng karamihang residente ng apat na barangay, malaking tulong umano ang mga hygiene kit na kanilang natanggap mula sa Plan, upang masiguro ang kalinisan at kalusugan ng kanilang mga anak.
Samantala, ayon kay ASKI Palayan Branch Manager Michael Guttierez, dahil sa laki ng napinsala sa sector ng Agrikultura dulot ng bagyong Lando, maging sila ay apektado din dahil karamihan sa kanilang mga kliyente ay lubhang naapektuhan nito, magkagayunman, ay handa pa rin umano silang tulungan ang mga ito upang makabangon muli sa buhay.-Ulat ni Shane Tolentino