Naglunsad ng Fact Finding Mission ang AMGL o Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon at MARTYR o Mothers and Relatives Against Tyranny and Repression kasama ang iba pang mga progresibong grupo kaugnay sa nangyaring diumano’y pamamaril sa apatnapong magsasaka sa Sitio Minalkot, Brgy. San Isidro, Laur.
Ayon sa salaysay ni Isagani Padunan, isa sa mga biktima, bandang ikaapat ng hapon noong January 15, 2015 habang nakasilong siya at kanyang mga kasamahang magsasaka sa isang kubo nang lumusob ang sampong armadong kalalakihan at bigla na lamang sialng pinagbabaril.
Tinamaan sa hita at dibdib si Padunan.Sinunog din aniya ng mga salarin ang katatapos na binataris na silungang kubo.
Base sa salaysay ng mga biktima, nakilala nila ang mga salarin na mga tauhan ng isang mataas na pulitiko sa Palayan City.
Nag-ugat jumano ang nangyaring pamamaril sa usapin ng lupa sa Lot 29 na dating bahagi ng 73,000 ektaryang Fort Magsaysay Military Reservation na inilaan ng gobyerno para sa programa sa reporma sa lupa upang ipamahagi sa mga magsasaka.
Pangunahing benepisyaryo nito ang mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo, mga orihinal na magsasakang settler dito at iba pang mga magsasakang walang lupa’t handang tuwirang magbungkal.
Ngunit ayon sa AMGL, imbes na ang mga tinukoy na benepisyaryo ang makinabang sa nasabing lupain ay kung sinu-sinong malalaking tao ang nagsibakod ng malalawak na lupa tulad ng mga opisyal ng militar at pulitiko.- Ulat ni Clariza De Guzman