Walong taon ng hindi nakakakita si Aling Susana, dahil sa kanyang katarata. Gustuhin man niyang magpatingin sa doktor, ay wala siyang sapat na pera.
Kaya’t nang nabalitaan niya na mayroong free eye check-up at operation sa District Hospital ng San Antonio, ay agaran siyang pumunta upang ipakonsulta ang kanyang mga mata.
Isa lamang si Aling Susana sa mga patuloy na nabibiyayaan ng libreng eye check-up at operasyon sa mata ng Community Eye Health Program ng DOH o Department Of Health at sa pakikipagtulungan ng Provincial Government ng Nueva Ecija.
Sa lalawigan, ang 4TH district ang nakitaan ng pinakamaraming bilang ng mga kaso ng pagkabulag. Kung saan, 0.79% ang naitalang prevalence rate sa distrito.
Ang katarata ay ang pagkakaroon ng puti o cloudiness sa lente ng mata na nakasasagabal sa light transmission. Ang taong mayroong katarata ay maaaring magkaroon ng malabong paningin, poor night vision o cloudiness of vision. Karaniwan sa mga nakakaranas ng sakit na ito ay ang mga matatanda, ngunit maging ang mga kabataan ay hindi rin ligtas sa sakit na ito.
Bunsod ng lumolobong bilang ng mga may katarata at problema sa mata, ay naglaan ng pondo ang Pamahalaang Panlalawigan, upang maging pernamenteng serbisyo na ito sa lahat ng Novo Ecijano na patuloy na nangangailangan ng libreng konsultasyon at operasyon sa mata.
Kaya naman, maluha-luha ang mga residenteng patuloy na nabiyayaan ng programa.
Para sa mga nangangailangan ng konsultasyon sa mata, ay maaaring kayong pumunta sa San Antonio at Gapan District Hospital.- Ulat ni Danira Gabriel