Halagang P3K na kasal, may tumalo na!

May tumalo na sa P3K na kasal ni Criz Lazarte na nagviral noong August 5, 2022 na umani ng mahigit 19 thousand reactions, 7.1 thousand comments at 23 thousand shares sa Facebook.

Ang tumalo dito ay ang isang Novo Ecijana na si Julie Ann Salvador na nagshare ng post at nilagyan ito ng caption na ‘Beat the Record…for only P2,500 kasal na ako’.

Ayon kay Julie Ann, nangarap din siya noon ng magandang kasal at magsuot ng traje de boda ngunit hindi niya akalain na magiging simple pero practical ang kanyang magiging kasal.

Para sa kanya, hindi importante kung simple o magarbo ang kasal ng dalawang taong nag-iibigan dahil ang mahalaga ay yung pagsasama pagkatapos ng kasal.

Hindi man aniya natupad ang pinapangarap niyang kasal ay binabawi na lamang nila ito ng kanyang asawa sa tuwing magdiriwang ng kaarawan ang kanilang dalawang anak.

Sa kasalukuyan ay 8 taon na silang kasal ng kanyang mister at maayos na nagsasama.